Tuesday, August 28, 2012

Wikang Katutubo, Wikang Filipino at ng Panahon ng Modernismo

Wikang Katutubo, Wikang Filipino at ng Panahon ng Modernismo Richard M. Collado “Lunes pala bukas!” Kailangan ko na namang bumangon nang maaga. Magkakaroon na naman kami ng Convocation. Kagaya ng dati. Magkakaroon ng panalangin, pag-awit ng Lupang Hinirang, pagbigkas ng Panatang Makabayan at Panunumpa sa Watawat at pag-awit ng INNHS Hymn. Isa lang ang siguradong bago, mga kuwentuhang di na naman maputol-putol sa nakaraang dalawang araw ng bakasyon. Bago ako humiga sa aking kama, nakita ko ang kalendaryo na hindi pa pala napipilas ang dahon ng Hulyo ngayong Agosto na pala. Biglang may kung anong saya na aking nadarama. Hindi ko kasi pinalalampas ang unang Lunes ng buwan ng Agosto sapagkat ito’y naiiba sa mga araw ng paaralan. Masigla ang pagdiriwang dahil sa mga aktibidades lalo na sa pampinid na palatuntunan na puno ng mga sorpresa idagdag pa ang malutong na paggamit ng wikang Filipino. Maaring ang aking nadarama ay hindi kagaya ng karamihan sa aming paaralan. Kaya ako’y may pag-aatubili upang ito’y aming mapag-usapan. Baka kung sasabihin kong ako’y lubos na nagagalak at mabibigyan na naman ng halaga ang wikang Filipino, ako’y pagtatawanan lamang. Iba na raw kasi ang aming panahon, kaya nagbabago rin ang aming kultura. Mabilis ang pagbabago, kaya upang hindi mawala, kailangang makipagsabayan, yakapin ang pagbabago. Ngunit kailangan bang sumabay ding magbago ang paggamit ng wika? Sa ganang akin, musmos man sa inyong paningin ay unti-unting nagkakabagwis ang aking isip at damdamin. Batid kong sa aking mga kababata sasabihin nila ngayon sa akin, “Magpakatotoo ka nga!” dahil hindi nila matanggap na mayroon pa ring kagaya kong likas at wagas ang pagpapahalaga sa aking wika. Wikang aking kinamulatan, humubog sa aking katauhan, tulay upang mapayaman ang aking kaalaman. Kaya ako’y lubusang natutuwa dahil sa kasalukuyang kalakaran ng edukasyon partikular sa bagong kurikulum na K to 12, isinusulong ang Mother Tongue bilang wikang panturo sa gradong primarya sa mababang paaralan. Isang patunay na kinikilala ang kahalagahan ng bernakular at katutubong wika sa pag-aaral. Bakit kasi natin makalilimutan ang wikang ating kinalakhan? Hindi naman ito magiging bahid ng kababawan. Kung ikaw ay may mayamang kaalaman kailangang ito’y ibahagi sa pamamaraang naiintindihan ng karamihan. Iyan ang paggamit ng wikang bernakular. Sinasabi ng mga lingwistika na may 160-170ng wika sa buong Pilipinas – pansampu sa pinakamarami sa buong mundo. Kaya ang pagtutulungan ng mga wikang pambansa, lokal at dayuhan sa buhay nating mga Pilipino ay siyang nagpapatotoo kung gaano tayo ka-linguistically at culturally diverse, isang bagay na dapat nating ipagbunyi kung ating masuri nang mabuti ang kabuluhan nito. Kailangan nating mabatid na sa kabila ng dibersidad ng wika sa ating bansa ay sinusunod ang isang patakarang bilinggwal sa edukasyon. Ingles para sa English, Math at Science; Filipino para sa iba pang asignatura. Subalit, hindi maiiwasang gamitin ng mga guro ang bernakular o lokal na wika para ituro ang nilalaman at konsepto ng mga aralin – sa elementarya, sekundarya at maging sa kolehiyo. Kaya nga sinasabi ng ilan, “Sa papel ay bilinggwal, sa aktwal naman ay multilinggwal na patakaran ang ipinatutupad.” Kaya di maisasantabi ang katutubong wika. Ang pagkilala sa ating katutubong wika ay umaayon sa global framework ng cultural diversity at linguistic diversity ng UNESCO. Ibig ng UNO na maitanim sa isip ng lahat ang pantay-pantay na halaga ng mga nabubuhay pang wika, wika man itong internasyunal o wika ng isang maliit na tribu. Kinikilala ang wikang katutubo bilang imbakan ng karunungang kailangan ng Filipino upang higit na umunlad at maging pambansa ang nilalaman. Ang pagkakaroon natin ng napakayamang wika ay nagpapatatag sa ating wikang pambansa – ang Filipino na nakasaad sa Probisyong Pangwika sa Saligang Batas ng 1986, Artkulo XIV, Seksyon 6-9. Malayo na ang narating sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Hindi ito Tagalog tulad ng puna ng iba. Ito ay binubuo ng iba’t ibang katutubo at hiram na salita galing sa ating mga kapitbahay sa Asya. Ang anak, susi, ate, kuya, ay hango sa Malay at Chino. Kung mayroon lamang tayong sapat na pagsusuri, malalaman nating ito nga ay totoo. Kaya kapwa ko kabataan sa modernong panahon, ikinahihiya mo bang gamitin ang ating sariling wika at ng wikang Filipino? Kung ang atin ngang pangulo ay ginagamit ang wikang Filipino kahit sa mga pormal na okasyon tayo pa kaya? Kailangang parubdubin tayo ng katotohanang, walang bansang umunlad na di gumamit ng sariling wika. Inaalog man tayo ng wika ng modernong kultura na maihahalintulad sa isang ukulele, hindi mapapalitan ang tunay at tamis ng wikang Filipino na nagdadala ng ganda ng orkestra. Sana’y tumagos sa kaluluwa natin ang sabi ng isang katutubo. Anya, kailangan natin ang wikang dayuhan para mabuhay sa kasalukuyang panahon. Pero, kailangan natin ang wikang sarili para mabuhay ng habampanahon. Sa mga kaisipang ito, magkakaroon ako ng bagong sigla upang harapin ang bagong umaga. Bukas sisimulan kong hindi madiktahan ng sinasabi ng modernong panahon bagkus buong lakas kong isusulong kahit sa aking pinakapayak na paraan hanggang ang aking aking mga kababata ay unti-unting babalik sa aming inang wikang, humele sa duyan ng aming kamusmusan.

No comments:

Post a Comment