Tuesday, July 27, 2010

Nang Magbiro ang Tadhana

Nang Magbiro ang Tadhana
Richard M. Collado

Tumatama sa aking mata ang sinag ng araw na dahilan upang maantala ang aking kamalayan mula sa aking mapayapang pagtulog. Bumangon ako sa aking higaan. Lumabas sa aking kuwarto at nabungaran ko ang aking nanay na nakaupo sa sofa. Blangko ang mukha. Ang direksiyon ng mata’y tumatagos sa tinitingnan. Habang ang panganay naming si ate Maria ay abala sa kusina ngunit hindi masyadong malinaw sa akin kung ano ang pinagkakaabalahan. Dahil sanay na ako sa kanya na iyon ang ginagawa araw-araw, hindi ko ito masyadong binigyan ng pansin. Ngunit ang umagang ito’y hindi ordinaryo sa mga nagdaang mga taon. Mayroon akong kakaibang nararamdaman ngunit gusto kong marinig ang kasagutan mula sa bibig ng aking mga kasambahay.
Simula nang ako’y magkatrabaho, animo’y bigla akong nagkaroon ng mga pakpak sa maraming bagay. Ipinagkaloob sa akin ang salitang emansipasyon. Mula sa pananamit, sa uri ng gupit, sa organisasyong sinasalihan, sa mga okasyong dinadaluhan at higit sa lahat sa oras ng pag-uwi.
“Ang gusto namin ng nanay ninyo, kapag nakapagtapos na kayo at nagkatrabaho, gamitin ninyo ang inyong kita sa mga bagay na hindi namin naibigay sa inyo.” Ang linyang iyan ay parang isang klasikong musika sa aming pandinig. Ito’y nagbibigay sa amin ng inspirasyon at pag-asa bukod pa sa nararanasan naming pag-aaruga at nakikita naming kasipagan ng aming mga magulang. At ito’y kanilang pinaninindigan hanggang sa kasalukuyan.
Nakagawian na naming magkakapatid ang ganitong pagpapalaya sa amin ng aming mga magulang. Ngunit may mga pagkakataon naman talagang, nagbibigay sila sa amin ng mga paalaala. Sa aming magkakapatid ako na siguro ang pinakaagresibo sa pagkamit ng kalayaang ito. Dahil dito, nawalan ako ng panahon sa aking mga magulang at mga kapatid.
Pag-umuuwi ako sa bahay sa gabi, nadaratnan kong bukas ang ilaw. Ito ang ginagamit nina nanay at tatay na palatandaan na may kasambahay pang hindi umuuwi. Bumubungad sa akin ang hungkag na sala at ang hapag na may natatakpang pagkain. Na madalas namang hindi ko na ginagalaw dahil tinatamad na akong kumain o di naman kaya ay busog na ako.
May mga pagkakataon namang medyo maaga-aga ako sa pag-uwi, lumalabas sina nanay at tatay sa kanilang kwarto upang makipagkwentuhan sa akin. Dahil kung hindi nila iyon gagawin maaaring hindi na kami magkakaroon pa ng oras kinabukasan dahil alas sais y medya pa lamang ay wala na ako sa bahay dahil sa trabaho. Alas diyes ng gabi ako kadalasang umuuwi. Hindi sa ayaw ko sa bahay kundi dahil sa mga bagay na nakakapagpasaya sa akin sa labas. Ngunit sa katunayan ay sa bahay ko lamang nararamdaman ang kapayapaan at kapanatagan ng loob.
Hindi ko man naipararating sa kanila kung gaano ko sila kamahal ay naipaaabot ko naman sa kanila sa ilang mga bagay at pagkakataon. Kapag may ispesyal na okasyon, ay hindi ko nakalilimutang mag-abot ng regalo. Kapag araw ng sahuran ay hindi ko nakaliligtaang bumili ng mga kakailanganin sa bahay.
Medyo maaga ako sa pag-uwi isang gabi ng linggo, dakong alas otso, galing sa simbahan. Nadatnan ko silang lahat sa hapag kainan. Masaya silang kumakain at nagkukuwentuhan.
“Anak andyan kana pala. Halika ka na, kain na”. Tawag ni nanay pagkakita niya sa akin. Mayroon akong pag-aatubiling lumapit. Doon ko biglang naramdaman ang aking pagkukulang. Ngunit hindi ko na ipinahalata.
“Nahuli na ba ako? “ Iyon na lamang ang nahagilap kong sabihin. At dali-dali akong lumapit sa kanila at niyakap si tatay sabay abot sa kanya ang aking regalo.
“Happy Fathers’ Day tay”, buong galak kong sinabi. Nakita ko ang pagkislap ng mga mata ng aking ama.
“Salamat anak. Sana ganito ka kaaga palagi kung umuwi”. Walang kasing liwanag na sagot ng aking ama.
Wala akong mahagilap na magandang sagot sa pagkakataong ito kaya ngumiti na lang ako, dahil iyon ang alam kong pinakamabuti sa oras na iyon.
“Akala namin kapatid nakalimutan mo na!” Sabay tudyo ng aking mga kapatid.
“Kahit papaano kapag ganitong may mga okasyon ay palagi naman akong nandito di ba? Ang aking sagot ng may halong pagyayabang.
Marami ang aming napagkwentuhan sa gabing iyon. Naroon ang paniningil ng ilang samaan ng loob. Ang pagbabalik tanaw sa aming kamusmusan at sa nakalipas. Kung paano kami nagsimula. Ang mga di mabilang na pagsubok at kabiguan lalo na noong sabay-sabay kaming apat na magkakapatid sa sekondarya at tersyarya. Hanggang sa mga masasayang alaala na kahit papaano ay nararanasan na rin namin ang kaunting kasaganaan at kaginhawaan sa buhay. Ngunit sa lahat ng aming pinag-usapan, may isang bagay na aming pare-parehong pinakaaasam sa lahat, ang sabay-sabay naming pagkain sa hapag.
Natapos ang gabing iyon na walang puwang ang kalungkutan na para bang napunan ang lahat ng mga pagkukulang sa isa’t isa. Kaya naman sa paglatag ng aking katawan sa kama ay dala rin ang ginhawa ng damdamin at isipan. Umaasang sa aming mga panaginip ay maipararating ang aming wagas na pag-ibig sa isa’t isa. Kaya nagkaroon ako ng isang desisyon na aking sisimulan kinabukasan.
Sa umaga ngang iyon, may kung anong kakaibang sikdo sa aking damdamin. Maaari na sanang mahanapan ng kasagutan kung aking gugustuhin ngunit may bahagi ng aking pagkataong pumipigil. Pero heto na yata at dumarating ang siklo ng buhay. Ang liwanag ay kakainin ng kadiliman. Ang panimula ay kailangan ng wakasan. Ang kaligayahan ay hahalinhan ng kalungkutan at ang tagumpay ay paghaharian ng kabiguan.
“Ano bang nangyayari?” Malakas kong tanong sa aking mga kapatid. Ngunit malamig na mga mata lamang na tinutunaw ng mga umaagos na luha ang nakuha kong kasagutan.

Sunday, July 11, 2010

i almost...gained

i have almost lost a shed an unending tears
i have almost lost a priceless gem
i have almost lost a treasured life
i have almost lost a trusted fate

but....

i have gained the sweetest smile
i have gained tons of diamonds
i have gained eternal spirit
i have gained promising fortune

with...

unfathomable love of God