Monday, June 15, 2009

ISANG BALAGTASAN

Gusto kong ibahagi sa inyo ang ginawa kong piyesa ng aking mga mag-aaral sa patimpalak ng balagtasan na itinaguyod ng Unibersidad ng Pilipinas at ng Kagawaran ng Edukasyon. Kampyon ito sa Pansangay na Balagtasan at pangalawa sa Rehiyunal na patimpalak. Ang pagtatanghal ay tumagay sa 22 minuto.

Aking binabati ang aking mga mag-aaral na bumuhay sa piyesang ito: Ruben Mateo Jr., (Lakandiwa); Val Benedict Medina (Dapat); Allanah Mae Sudario (Di Dapat)

DAGDAG NA ISANG TAON SA HAYSKUL:
DAPAT O HINDI DAPAT?
Richard M. Collado


LAKANDIWA:
Isang makapangyarihang araw ang alay ko sa inyo
Sa lahat ng mga Pilipinong nagkalat sa buong mundo
Mga kapamilya, kabarkada at katropa ko
Hanapan natin ng kasagutan ang tanong na ito:

Dapat ba o hindi dapat dagdagan
ng isang taon ang pag-aaral ng sekundarya?
Hinihikayat ko ang inyong mayayamang mga diwa
Upang pag-aalinlangan ng madla’y masagot na.

Kayat sa inyong harapa’y dalawang nilalang
Kanilang ibabahagi ang mga mayayamang kaalaman
Sa isang pagtatalong kay Kikong Baltazar, pinagmulan
Kilalang-kilala ito sa tawag na Balagtasan

Ngayo’y umupo nang matuwid, buong lugod kayo'y inaanyayahan
Dito sa tagisan ng talino sa ngalan ng katwiran
Tiyak kong nag-iinit na ang dalawang magkalaban
Upang isambulat ang taglay na kaalaman

Kayat mga kaibigan huwag na natin silang pigilan
Unahin ang binatang, nag-uumapaw sa katapangan
Ang panig ng DAPAT mauuna nating pakinggan
Pasalubungan nating lahat ng masigabong palakpakan

DAPAT: (Unang Tindig)
Buong paggalang akong bumabati sa madla
Sa inyong pagparito pakinggan ang aking nasa
Kalagayan ng edukasyon ngayo’y hindi maitatatwa
Habang sinusubok ng panaho’y, pahina nang pahina

Sabi nga nila’y “anuman ang ngayo’y pwedeng magawa
Huwag ipagpaliban, di na ipagpabukas pa”
Kayat nararapat na harapin ang hamon, mga problema
Posibleng paraa’t kalutasa’y kailangang ipatupad na

Sa nasyonal na budyet ng bayang sinisinta
Kagawaran ng Edukasyon sa pondo’y nangunguna
Upang patibayin karunungan na sandata
Sa ating lipunan at maging sa ibang bansa

Ang kalidad ng edukasyon sa mga nakaraang dekada
Namamayagpag ang husay sa bansa man at sa Asya
Ngunit ngayo’y nahuhuli at nangangamote na
Lalo na sa Agham, Ingles at Matematika

Ang katotohanang ito’y sadyang nakababahala
Lalo pa’t ang mga nabanggit na asignatura’y
Mga pandaigdigang kaalamang kailangang mahasa
Upang si Juan, global ang maging taguri sa kanya

Kaya marapat lamang bigyang sapat na panahon
Sa mga kabataa’y, ibigay ang wastong tulong
Ibayong paghasa sa mga kasanayan, dapat isulong
Isa pang taon sa sekundarya ating idugtong

LAKANDIWA:
Ating napakinggan tinuran ng sa panukala’y pumapanig
Dagdagan ng isa pang taon sa sekundarya, kanyang itinitindig
Ito ang laman puso’t diwa, ito ang ipinipintig
Animo’y walang makabali, walang makapanlulupig.

Ang susunod naman ay determinadong dalaga,
Isa-isahin ang katwirang ihaharap na kanyang inihanda
Kaya ang lahat ng narito’y humanda at tumalima
HINDI DAPAT, masigabong palakpakan igawad sa kanya


HINDI DAPAT: (Unang Tindig)
Bago ko sisimulan ang aking turan
Mainit na pagbati sa inyo’y aking ilalaan
Ang inyong pagparito’y sana’y maging daan
Mabigyang hatol ang aming katwiran

Sinasaluduhan ko ang pamahalaan at lideratura
Na edukasyon ay binibigyang tunay na halaga
Mga nakalaang pondo’y, sana’y mapunta
Sa dapat paglaanan at magamit ito nang tama

Ang Kagawaran ng Edukasyon, punung-puno ng panukala
Wala akong masabi, napakaganda, walang kaduda-duda
Ngunit ‘pag umabot sa implementasyon na
Di piho ang punta, parang napigtas na saranggola

New Secondary Education Curriculum, Secondary Education Development Project,
Basic Education curriculum, at may 2010 Secondary education curriculum pa
Ilang kurikulum ang pagdaraanan kaya?
Upang sistema ng edukasyo’y mapaghusay pa
At hindi pagkaraan ng ilang tao’y may bago na

Ayon sa 1996-2005 Master Plan for Basic Education
Modernisasyon sa edukasyon kanilang isusulong
Mapaunlad kagamitang pampagtuturo ito ang layon
Kompyuter, internet, modernong laboratory idagdag pa ‘yon


Pagsasanay sa mga guro sa mga makabagong istratehiya
May mga programang iskolarship sa ‘Pinas at sa ibang bansa
Ngunit ilan ang natulutan kaya ng biyaya
Naibahagi kaya sa mga mag-aaral na naghihintay sa kanila


Kaya aking kabalagtas magnilay-nilay, mag-isip-isip ka
Ang pagdagdag ng isa pang taon ay isang parusa
Hindi ito ang kalutasan sa ating problema
Ayusin lang ang sistema sa pagpapatupad ng programa.


LAKANDIWA:
Ang inyong lingkod, damdami’y di masawata
Sa dalawang mambabalagtas na nakatindig pa
Sa paglipas ng oras sila sana’y humihina
Bagkus, katwira’y nagagatungan pa nga

Kaya sa ikalawang siklo ng kanilang sagupaan
Pihadong mga alas ay ipangangalandakan
Upang ipinaglalaba’y mabigyang katarungan
Mga kababayan, isa pang malakas na palakpakan


DAPAT: (Ikalawang Tindig)
Ang pagbabago’y isang katotohanang kakambal na ng panahon
Isang bagay na permanente, buong mundo’y nakatuon
Paghahanap ng pagbabago’y isa ng tradisyon
Matuklasan lamang mga epektibong solusyon

At paano ngang di mag-isip ng bagong paraan
Kung mga indicators ay nangangalandakan
Na marami pang mga kailangang paghusayan
Mga dapat na matutunang mga kasanayan

Sa National Achievement Test na lang hindi maitatatwa
Kompetensi ng mga mag-aaral ay talagang mababa
Sa High School Readiness Test na isinagawa
Nagpapatunay na kailangan ng ibayong paghahasa

Kaya nga mula sa ating dating Kalihim Butch Abad
Bridge Program kanya ngang inilunsad
Ingles, Agham, Matematika layuning mapaunlad
Bago sa haiskul, tuluyang makitalad

Maging sa Unibersidad ng Pilipinas, sila’y nagmungkahi
Ikalimang taon sa sekundarya’y huwag isantabi
Sagot ito sa pagbulusok ng bumababang literasi
Huwag tingnang pahirap kung ito ang mithi


HINDI DAPAT: (Ikalawang Tindig)
Maaring ikaw, ako, at bawat Pilipino
Nais mapayaman ang kakayahan at talino
Ngunit ang pamamaraan sa pagkamit ay magkaiba tayo
Kaya mga katwiran ko’y pakinggan ninyo

Sa Saligang Batas, Artikulo XIV, Seksyon 2, dito nakasaad
Magtatag, magpanatili, at magtustos nang sapat
Sa pangangailangan ng sambayanan, iyon ang dapat
Libreng edukasyon sa elementarya at sekundarya ay ipatupad

Ngunit sa kabila nito’y, mahal pa ring mag-aral
Dahil sa mga iba pang bayaring nakakasakal
Di sapilitan ang pagbabayad kanilang itinatanghal
Ngunit di lang naman ito ang kailangan sa pag-aaral

Ayon nga sa pag-aaral ng IBON Foundation
Tatlo sa sampung grade I di makatapos sa elementaryang layon
Dahil sa ekonomiyang lumalala ang kondisyon
Maraming di nakapag-aral, tumitigil dalawa hanggang apat na milyon

Kung sa elementarya, pangarap ay naunsyami na
Sa hayskul pa kaya, tapos dagdagan mo pa ng isa?
Ilan pa kayang Marianette Amper ng Davao ang matutulad sa kanya?
Nais mang magtagumpay, sa hukay na lang mapupunta.


DAPAT: (Ikatlong Tindig)
Anila, mas masarap ang tagumpay kung pinaghihirapan
Kaysa sa nakamit na ninanasa sa madaling paraan
Walang kasintamis namnamin ang pinagpawisan
Kaysa sa madaliang parang naglalaro lang

Tingnan natin ang bansang America, Inglatera, Japan at Korea
Umaabot sa pitong taong pag-aaral sa sekundarya
Nilalayon mahusay na edukasyon, upang mag-aaral ay handa
Ng mga kaalamang sa trabaho talagang uubra

Ani Chito Salazar, miyembro ng Philippjne Business for Education
Ang basic education na dapat sana ay labin-dalawang taon
Sa Pilipinas daw ay ginawa lamang na sampung taon
Sapat na bang paghahanda ang iniukol na panahon?

Hindi nga rin maitatatwa maraming Pilipino sa ibang bansa
Doon nag-aaral at ngayo’y namamayagpag na
Dahil sa mataas na uri ng edukasyong ibinigay sa kanila
Mahaba man ang panahong ginugugol ay di alintana

Kaya nga pami-pamilya pumupunta sa Amerika, sa Canada
Upang magtrabaho, manganak paunlarin ang pamilya
Dahil doon ang kinabukasa’y sigurado ka
Bumalik man sa Pilipinas ay angat pa rin sila


HINDI DAPAT: (Ikatlong Tindig)
Ang makipagsabayan sa industriyalisadong bansa
Sa teknolohiya, ekonomiya, edukasyon idagdag pa
Pangarap na lang yata, darating man ang panaho’y, malayo pa
Kaya isipin na lang muna ang bansa, dito tayo magsimula

Ang pitong taong pag-aaral sa sekundarya
Sa magulang at mag-aaral ay isa lamang parusa
Marami na ngang mahihirap di makatapos sa elementarya
Sa hayskul pa na daragdagan pa ng isa?

Andun na tayo, na kahandaan lamang inyong ninanasa
Pagdaragdag nang isa pang taon, isang kalutasan kaya?
Dahil dito, maraming magkabilang reaksyon ang naglabasan na
Kaya, maging MalacaƱang ay nabahala

Kagawaran ng Edukasyon hindi na ipinagpilitan pa
Nasa mag-aaral at magulang daw ang pagpapasya
Isa ngang matalinong desisyon dahil sa kalagayan ng ekonomiya
Kahit 6.4 % ang itinaas ng Gross Domestic Product ng bansa

Bago isipin ang pangarap na limang taon sa sekundarya
Ayusin muna ang pangangailangan at sistema
Aklat, gusali, klasrum, mga guro kailangang handa
Di lang literasi kundi pag-unlad ng bansa ang resulta


LAKANDIWA:
Talagang ako’y napapatda sa mga katwirang kabi-kabila
Walang ibig mahuli sa mga patunay at ebidensya
Makakaya pa kaya nila ang isa pang ronda?
Eto na nga’t sila’y nagbabadya na ang balagtasa’y ipagpatuloy na

Kaya marikit na binibini at makisig na binata
Hinihiling ko na kayo muna ay huminga
Alam kong kailangan pa ninyo ng enerhiya
Maging ang mga manonood ay nag-iinit na


DAPAT:
Ang buhay ay magkahalong eksperimento’t subukan, ika nga
Nangangailangan ng pag-aaral ng sapat na panahon at tiyaga
Sa mga panukala ng kagawaran at pamahalaan sinupurtahan ba ng madla?
Di pa naisasagawa’y, pagbatikos, kaliwa’t kanan na

Aminin man natin o hindi marami ang mangyayari sa isang taon
Basta bukas ang isip, pumapasok ang dunong
Kailangan sa pag-aaral matinding determinasyon
Sipag at tiyaga sabi nga ng mga marurunong

Pahayag nga ng MalacaƱang, kung gusto’y maunlad na bansa
Hindi sa dami ng gradweyt ang iisipin sa tuwina
Kundi paghahandang mataas ang kalidad, ito’y sandata
Na ayon kay G. Bunye, upang ang mga itinuro’y hindi maging basura

Sa ating ekonomiya, dollar remittances ang nagpapaangat
Dahil sa mga Pilipinong nakakuha ng edukasyong sapat
Sinubok sa haba ng ginugol na pag-aaral at paghahanda
Upang makipagsabayan dito at sa ibang bansa.


HINDI DAPAT:
Ang panaho’y huwag sayangin, pagkat ginto ang kahambing
Gawa sa matagal, gawa sa madali, gayun din
Kung pinag-aralan ang programa, magagawa natin
Basta mga kailangan di nabibitin

Yaman din lang nabanggit ang mga industrialisadong bansa
Maraming inihahandog kursong subok na
Mabilisan mang kinukuha, ito nama’y kumikita
Nakatitipid ng panahon, hirap at pera

Certified Nursing Assistant sa America’y, isang halimbawa
Tinatapos lang ito sa dalawang buwan, ang bilis di ba?
Sa Pilipinas gumawa ng Caregiver course anim na buwan pa
Di rin lang itinuturing na requirement sa ibang bansa

Caregiver? Pwedeng ituro sa araw na isa o dalawa
Lalo sa mga Pilipinong ‘caregiving’ nasa kultura’t dugo na
Pagkuha ng experience walang tuition, libre pa nga
Pumasok lang na katulong, mag-alaga ng bata at matanda okey na

DAPAT:
Aking kabalagtas, matuto tayo sana
Sa mga katotohanang tayo ay nahuhuli na
Resulta ng NAT, HSRT at mga pagsubok sa ibang bansa
Pilipino’y kawawa, ikalima mula sa ibaba

Huwag alintanahin ang dagdag na isang taon sa sekundarya
Kung pagiging global ang layunin at adhika
Bawat gradweyt ay may sapat na bala
Sa mga hamon ng kinabukasang di mawari ang ibinabadya



DI-DAPAT:
Totoo ngang ang mga resulta ng mga pagsubok nakaaalarma
Ngunit marapat bang ipapasan ang hirap sa masa?
Ang buhay nga ni Juan higpit sinturon na
Baka hanggang pawis at dugo ay wala nang mapiga

Tayong mga Pilipino edukasyo’y talagang mahalaga
Ngunit kung di makayanan, uunahin ang sikmura
Kaya’t marapat ayusin ang programa’t sistema
Hindi ang pagdagdag ng isang taon ang sagot sa problema


DAPAT:
Ang lumalakad nang mabilis kung matinik ay malalim
Ang isang tao’y huwag isiping pasanin
Ang hirap ay huwag alintanahin
Kung ang pangarap ay gustong kamtin


HINDI DAPAT:
Ang oras ay tumatakbo kaya’t makipagsabayan
Ang isang taong dagdag na walang patutunguhan
Dagdag alalahanin sa mga magulang at mga kabataan
Lalo pa’t ang bansa’y nasa gitna ng kahirapan


DAPAT:
Mas mabuti ang magpakahirap sa una
Kung kinabukasan ang nakataya
Kaysa sa madaliang gawa
Hilaw ang pagkaluto, kulang sa timpla


HINDI DAPAT:
Ang hirap ay hindi punto, basta’t mabuti ang proseso
Kahit matagal kung walang kabuluhan ito
Dahil ang pagpaplano ay malasado
Masarap na kinabukasan kaya ang ihahain nito?


DAPAT:
Ang dagdag na isang taon malaki ang kabuluhan
Makakaipon din dagdag na kaalaman


HINDI DAPAT:
Sa maikling panahon ma’y, layuni’y makakamtan
Matanggal lang ang mga balakid sa daan


DAPAT:
Dagdag na isang taon sa hayskul ay kailangan
Sa may kalidad na edukasyon at mas maunlad na bayan


HINDI DAPAT:
Dagdag na isang taon sa hayskul huwag ng pag-ukulan
Pahirap lang sa pamilya at buong sambayanan


LAKANDIWA:
Maghunos dili kayong dalawang umuusok ang ulo!
Sa inyong mga katwira’y para akong naiipit sa nag-uumpugang bato
Para kayong mga giyererong, walang patatalo
Ipaglalaban ang paniniwala, hanggang huling patak ng dugo

Ngayo’y ang katapusan ng pagtatalo’y sumapit
Siguradong mga manonood, mga ulo’y namimilipit
Kung sino ang papanigan, ang pumili sa dalawa’y pinipilit
Upang mabigyang hatol ang nagtatalong sa kaalama’y nakahihindik

Sinong dapat ihayag na lamang nitong ating balagtasan
Kapwa naman silang busog sa kaalaman at katwiran
Parang wala namang angat, wala namang nakalamang
Kaya mula sa inyong abang lingkod: sila’y patas, tabla lamang

Kung anuman ang inyong pasya’y sa isipan na lang ilalaan
Maaaring di rin kayo makapili ng kampeonatong gawaran
Dahil sa mga katwirang pareho naman ang timbang
Ngayon, huling hiling ko sa inyo’y, paulanan sila ng malutong na palakpakan!

















1 comment: