Monday, June 15, 2009

AWIT NG GURO

Richard M. Collado

Sumikat na naman si haring araw sa silangan
Binabadya isa na namang araw ng karunungan
Uhaw na mga kaisipan, naghihintay na masilayan
Sinag sa karimlan ng kamangmangan

Alipin ako ng umagang may pag-asa
Kamalayan ko’y kanyang hinihila
Gunita ko’y pinaghaharian niya
Maging puso’y hinahamon sa tuwina

Pagpasok sa bukanang nag-aanyaya
Humubog ng kinabukasan, iyan ang panata
Kalimutan ang makasariling paglaya
Matibay na katauhan, kailangang ihanda

Gabundok mang alalahanin ang dala
Matamis na ngiti ipamamalas sa tuwina
Sa harap nila’y alagad tayo ng pag-asa
Paninindigan ito sa abot ng makakaya

Di sa kalabisan, daig pa ang artista sa teatro
Sa haba ng mga linyang kailangang isaulo’t isapuso
Iba-ibang kasaysayan ng buhay ng tao
Kailangang gampanan at isabuhay ito

Pinapasok mundo ng mga doctor
Kwentista, makata, manunulat at orador
Counselor, accountant, minsa’y dyanitor
Minsa’y pilit na ginagawa sa ngalan ng pabor

Mahirap mang tunay kung iisipin
Kailangang handa sa libong tiisin
Minsa’y luha kaulayaw sa gabing malalim
Lalo pag pamilya’y nakipagsabayan na rin

Alin kaya sa dalawa? Walang dapat piliin
Dito nasusukat tunay na husay at galing
Kung mapagtatagumpayan at kayang pagsabayin
Tunay ngang pagiging guro’y walang kahambing

Di man sapat ang sweldong natatanggap
Kaluluwa nama’y parang nasa alapaap
Kung may nagtagumpay sa kanillang mga pangarap
Malaking pasasalamat, naririnig sa likod at harap

Abogado, inhinyero, mamamahayag, politiko
Sino sa kanila ang hindi dumaan sa isang guro?
Ang mayaman nitong isip at mapagpalang puso
Bumuhay sa pag-asa, humabi sa kinabukasan ng mga ito

Kung ang puno’y sinusukat ang yaman
Sa bilang at uri ng bunga raw kailangang tingnan
Kung sa guro kaya, ito rin magiging sukatan?
Siguradong yaman nito’y wala ng pagsidlan

Buhay nga ng guro’y napakapayak kung iisipin
Kaligayahan nito’y mababaw man, ay malalim
Di lang karunungan inihahatid sa bawat aralin
Ang mabuhay ng marangal kanyang itinanim

Kaya dumarating man ang punto ng kapaguran
Panahon ng kawalan at masidhing pagdaramdam
Hanggang sumapit sarili lang ang tanging sandalan
Pakaisipin na lamang ang dakilang sinumpaan

Malapit nang lumubog si haring araw sa kanluran
Hatid nito’y hindi kailanman isang katapusan
Kundi’y isang pagsisimula para kinabukasan
Sa mga nagnanasang isip na lalong mapayaman

Kapag dumarating na oras ng pamamahinga
Ilatag ang katawan sa malambot na kama
Naisin mang alalahani’y pansamantalang mawala
Gunita pa ri’y patuloy na nananariwa

Kaya sa pagtulog sana pumailanlang isang musika
Oyayi sa isang gurong tapat sa kaniyang panata
Handog sa kanyang di matatawarang ginawa
Guro, tunay na bayani, sana’y pagpalain ka!

(Mananatili ka sa aming gunita
Butil ng kaisipan iyong ipinunla
Sinag ka sa bawat magandang umaga
Ibinigay mo ang tanglaw ng pag-asa
Karunungang sandata sa anumang pakikibaka
Kayamanan na kailanman hindi mawawala)

No comments:

Post a Comment