Babae, Tagumpay Ka ng Bayan
(Isang Monologo)
Richard M. Collado
Maraming dekada na rin ang nakalilipas nang ako’y ikinahon mula sa aklat ng mga tradisyon at paniniwala ng lipunang aking kinagisnan. Niyakap ko ang lahat ng ito ng buong pagsuyo. Walang pag-aalinlangan. Dahil sa buong pag-aakala ko’y ito ang kabuuan ng aking pagkatao, ng pagiging babae. Ngunit nitong huli’y may estrangherong damdaming nag-uumigkas na makawala sa hawla ng kalituhan. Batid kong mayroong nawawalang bahagi ng aking pagkatao. Iyan ang aking hinahanapan ng kasagutan.
Siglo 1900, sa mga panahong ito, dito lamang ako nagkaroon ng lakas ng loob upang hanapin at maranasan ang mga bagay na ipinagkait sa aming mga babae, na pinaniniwalaang inferior na kasarian, ng pagkamamamayan. Kami’y napagkakaitan ng mga pribilehiyo na naibibigay at nararanasan ng aming mga kapatid na lalaki.
Kaya ang aking mga kapatid na kababaihan sa Estados Unidos, ay nagsimulang magkapit-bisig upang makagapos sa kadena ng hindi makatarungang kalakaran ng lipunan. Binuo nila ang National Women’s Trade Union League na bunsod ng trahediya ng March 1911 Triangle Shirtwaist Factory sa New York City, na siyang kumitil sa 140 nagtatrabahong kababaihan na karamihan sa kanila ay mga Italian at Jewish immigrants dahil sa pagnanais na matuldukan ang hindi makatao at hindi makatarungang kalagayan sa trabaho.
Naibigay man sa amin ang karapatang bumoto (women suffrage) ay hindi makasasapat dahil malayo pa rin sa aming nilalayong pundamental na pagsusuri ng panlipunang katayuan, kalagayan, at partisipasyon naming mga kababaihan.
Ilan lamang sa mga pangyayaring ito ang siyang gumising sa kamalayan ng mga kababaihan sa buong mundo. Bukod pa sa mga nasimulan ng pakikipaglaban ng aking mga ninunong kababaihan katulad nina Melchora Aquino, Gabriela Silang, Josefa Llanes Escoda at Aurora Quezon.
Kaya naman maging sa Europa, si Clara Zetkin at ang Socialist Women’s International ay nakiisa sa pagpapatibay na ang buwan ng Marso partikular sa ika-8 araw nito ay ipagdiriwang ang International Women’s Day, upang bigyang pagkilala ang mga ambag ng mga kababaihan sa buong mundo. Dahil sa gawaing ito, lalong nahikayat ang mga kababaihang humabi ng kasaysayan, katulad ng pag-aalsa ng 10,000 mga kababaihan sa rebolusyon sa Russia sa St. Petersburg noong 1917.
Sa mga dakilang hangarin na ito ng aking mga kapatid na kababaihan, unti-unti kaming nagkakaroon ng ibayong lakas, ang aming mga bulong ay unti-unting naging sigaw at lalong nagkakahugis ang aming katauhan. Nabigyan kami ng panibagong perspektibo sa aming pagiging isang babae.
Ngayon, dahil sa patuloy na pakikipaglaban ng mga kababaihan sa pagpapapatunay ng kanilang kakayahang makilahok sa usaping pandaigdig kinikilala na ngayon ng United Nations ang International Women’s Day.
Hindi nga kami nabigo at lalo pa naming pinagbubuti ang aming mga simulain. Kaya’t sa Pilipinas, sa pamamagitan ng kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa, Pangulong Corazon Aquino, sa bisa ng Proklamasyon blg. 224 na nagpapahayag na ang unang linggo ng Marso ay kikilalaning Women’s Week at mula ika-8 ng Marso taun-taon ay gagawing Women’s Rights and International Peace Day. Hindi lamang iyan, ang Proklamasyon blg. 227 na nagtatalaga na ang buwan ng Marso ay kikilalanin ding ‘Women’s Role in History Month’, idagdag pa ang RA 6949 na nagtatalaga na ang ika-8 ng Marso ay Special Working Holiday at kikilalaning National Women’s Day.
Ang suporta ng pamahalaan sa aming mga kababaihan ay isang buhay na katibayan sa dakila at makabuluhang pakikipaglaban namin sa tradisyunal na perspektibo ng lipunan.
Kaya ako ngayo’y nakalabas na sa aking hawla. Aking ninanamnam ang aking kalayaan kasama ko ang aking mga kapatid na kababaihan sa lahat ng mukha ng hanapbuhay at lugar. Pulis, sundalo, piloto, inhinyero, abogado, politiko, welder, construction worker, at drayber. Lubos ang aming kaligayahan sa pagpasok namin sa mundong ito na matagal na naming pinakaaasam-asam. Di matatawaran ang aming tibay sa anumang unos ng buhay. Kami’y nagtagumpay sa aming panatang pakikitalad sa ngalan ng pagkakapantay-pantay na naging daan sa pagpasa sa Magna Carta of Women, pagsasagawa ng Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women, ang Beijing Platform for Action, ang Millennium Development Goals (2000-2015), ang Philippine Plan for Gender-Responsive Development (1995-2025), at ang Framework Plan for Women.
Kaming mga nilalang na hinugot sa tadyang ng mga kalalakihan ay hindi katunggali kundi’y katuwang sa isang wagas, dalisay at dakilang adhika. Kami’y handang makipagsandugo sa paghilom sa sugat ng bayan na nagnaknak sa paglipad ng dahon ng panahon. Kaming mga babae, ay buong tapang na nakikiisa sa tagumpay ng bayan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment